Monday, January 19, 2009

Tumalon ang Imahen

Anim na talampakan

ang taas ng konkretong imahen

na inilalabas sa isang bukas na balkonahe.

Taon-taong inilalabas

sa tuwing sasapit ang kapistahan.

Nakatungo ang imahen.

Tinutunghan ang mga naglalakad

sa ibabang daan na nayuyungyungan

ng konkretong beranda na may labinlimang

talampakan ang taas.

Taon-taon itong ginagawa ng may-ari.

Taon-taon, sa tuwing pista.

Ano't ngayong araw ng kapistahan,

nahulugan nito ang isang batang babae

na dagling namatay?

Sagot ng may-ari: Naghimala ang imahen!

Kahon-kahong Pananaw

Iniluluwal siya

ng isang kahong kariton

bago magluwal ng liwanag ang umaga.

Ikinakahon siya

ng isang bundok na bunton

sa daigdig ng mabahong basura.

At siya'y pilit umaahon.

Araw-araw siyang nagluluwal

ng bunton ng pag-asa

mula sa kaniig na basura.

At hindi siya ginigimbal

ng panis, lansa, dura at dugo,

bangaw at uod.

Ngunit ngayong umaga,

ginimbal siya ng isang munting kahong

naglalaman ng kaluluwal

na sanggol ng isang inang

nagimbal sa kawalan ng pag-asa.

Saturday, January 17, 2009

Nang Tawagin Ako ng Iyong Ala-ala

Kung minsan ay biglaan

ang pagdalaw ng kalumbayan;

kapag kumakaway ang namamaalam na araw

kapag umaawit ng tagulaylay ang takipsilim

kapag nangungulila ang gabi

at nananaghoy ang patak ng ulan.

Bakit may sandaling may pangamba sa pagpanaw ng araw?

Bakit may sandaling naririnig ang dung-aw ng takipsilim?

Bakit may gabing nagluluksa ang pakaw ng dilim?

Bakit may patak ng ulang dumudurog ng damdamin?

Kung minsan ay biglaan

ang pagsalubong ng kalumbayan

sa mga dako at sandaling hindi inaasahan.

Katulad kaninang ibinulong ko ang iyong pangalan

nang makita ang isang muntik nang mapagkamalian.

Friday, January 16, 2009

M a i n t e n a n c e

May laging paunang paramdam

kung kinakapos ng hangin ang gulong

kung maganit at nirarayuma ang shock

kung kumikirot o namamaga ang muelye

kung hilo at may kabig ang manibela

kung malakas na ang tibok at angil ng makina

kung lumalapot at tumatagas ang langis

kung kumakabyos na't nag-uulyanin ang kambyo

kung masasal na ang ubo ng tambutso

kung lumulusot na namamanhid na preno.

Kung may ganitong paramdam
magtuloy na ng talyer o maghanap ng mekaniko.

Pero may ang paramdam ay dinadaya

may nagpapabaya o nagwawalang bahala

may nagpapapetik-petik, may sobrang pagtitipid

kaya biglaan din ang tirik!

Wednesday, January 14, 2009

Red Corner

Noong Linggo, nanood kami ng boksing
sa Araneta.
Ilang dipa lamang ang layo namin
sa arena.

May tiwalag pala ritong planeta:

Walang pakialam ang boxer
kung sa 'yo tumama ang singa.

Walang pakialam ang round-girl
kung wala siyang bra.

Walang pakialam ang referee
kung inaawat na ng axe at rexona.

Walang pakialam ang audience
kung ang sigaw niya'y masakit sa tenga.

Pagkat ang gustong alamin ng lahat
ay kung may lalaglag na panga!

Nasa Langit ang Harayang Walang-hanggan

May *haraya na iginuguhit
ang mga bituin.

May harayang binubuo
ang kimpal ng mga ulap.

Kahit katanghaliang tapat
may haraya sa matatalas na sinag

Saglit man na bulagin ng araw,

sa iyong pagpikit
magsasayaw sa balintataw
ang haraya ng liwanag.

*imahinasyon

Tuesday, January 13, 2009

M o o g (sa ala-ala ni ka Joel)

Pinasisinayaan ko ang moog
na iyong nilikha;

Ang matatag na haligi ng iyong halakhak

Ang mga palad mong pasilyo ng anyaya at panggaganyak

Ang mabulas na gusali ng iyong malaking pangangatawan

Ang mga dungawan ng mga mata mong nagtatawanan

Pinasisinayaan ko ang iyong moog
sa aking gunita

Kayat hindi na kita tinunghayan
sa tahimik mong pagkakapikit

pagkat ayaw kong mabasag ang pananda
ng aking pagpapasinaya sa iyong moog
na iyong nilikha
sa aking gunita.

Sunday, January 11, 2009

Kung Kailan Gumigimbal ang Balita

Kapag tayo ay kaniig, kapanig,
kasama, karugtong, at bahagi:


Ika-7:30 ng umaga,
Disyembre 31, 2008.

Isang text message
ang tinanggap ko:

Maligayang Bagong Taon!

Inagahan ko na,
baka hindi na umabot sa u mamaya
ang msg ko

Joel

Sinagot ko naman agad:

Tnx, happy new year too!

Ika-5 ng hapon, Enero 11, 2009
Isang text message ang tinanggap ko

Hindi na raw umabot si Joel sa ospital

Saturday, January 10, 2009

Iyang Pagkaligaw

Ilang beses na ba akong nawala?
Sa halip kumanan, pumakaliwa
sa halip lumiko, dumiretso
sa halip na sa ilalim, sumampa sa fly-over.

Sa pagkaligaw, may natutuklasan akong ibang lugar,
ibang daan, ibang pakiramdam.

Kapag naramdaman kong nawawala na ako,
marunong akong magmabagal o huminto.
Nagbabasa ng mga pangalan ng kalye.
Nagtatanong. Humahanap ng U Turn.
Nagbabalik sa maaaring matandaang pinagmulan.

Laging maaaring makabalik.
Laging may pagtawid, pag-atras, pagkambyo.
Pero sa pagkaligaw, maaaring humantong
sa makikipot na side streets.
Paghangga sa dead end.
O masuot sa One Way
at mahuli ng pulis.
Nakakatuwa ang makabalik.
Pero hindi kapag nahuli na sa oras na hinahabol.
Pag nagkaaberya sa daang di alam.
Kapag sa alanganing lugar naubusan ng gasolina
o namatayan ng makina.

at iyon ang hindi tiyak,
kung mamamalaging buhay
upang laging maaaring makabalik.

Friday, January 9, 2009

P a n a t ( i k o ) a

Payak ang pakay
ng debosyon:
Pananalig
sa itim na imahen.

Yapak ang mga paa;
yakap ang panatang
inaakay ng hangaring
maging deboto
ng itim na imahen.

Tiim ang hininga;
minimithing makalapit,
makakapit kahit sa lubid,
maidampi kahit ang dulo ng daliri
sa itim na imahen.

Hinahamon ang tulak,
gitgit, ipit at apak, upang makasingit
sa daipit na sulak at lusak
na karagatan ng mga debotong
ang balani ng uli-uling nasa gitna
ay itim na imahen.

Samantalang hinahalukay
ang sungaw, singaw, sigaw,
sayaw, saway, laway, away,
nakaw, bugaw, agaw, lugaw;
ang itim na imahen
ay hindi nangangalay
at hindi nagmamalay
sa krus na pasan-pasan
habang inaakay
sa maluwang na lansangan.

Pangungulila

Sa nayon, mabigat na umuusad ang sandali
sa pagsalubong sa gabi.May tagulaylay ang takipsilim.
Maagang humihimlay ang alikabok
sa makipot at baku-bakong lansangan.
Parang nagmamadaling uwang
ang kadkad ng papauwing paragos.
Namamaalam ang paminsan-minsang
tilaok ng manok sa kalayuan.
Tahimik na ang kanina’y sumisipol
na hangin sa kaparangan.
Bumubulong ang alingawngaw ng halakhakan
ng mga batang naghabulan sa palibot ng mandala.
Humihigpit ang yapos ng liwanag
ng gasera sa umuuswag na dilim.
Lumalamig ang pagtitig ng nagmulat na buwan.
Sa nayon, ganito ang pagsapit ng gabi
buhat nang mawala ka.

Wednesday, January 7, 2009

Kung Paano kumipot ang Tubig

Isang akwaryum,
dalawang maliit na isda;
mapusyaw ang kulay
ngunit makulay
ang kanilang galaw at pusaw.
Naghahabulan.
Sumusuot sa ilalim ng palasyo,
nagtatago sa lilim ng bato,
namimitas ng tangkay ng damo.

Hanggang isang araw,
nadagdagan ng apat na isda.
Malalaki't makukulay.
Ngunit kaydaling pumusyaw
ng tubig at mawalan ng kulay.
At ang dalawang maliit na isda
ay bihira nang lumabas
sa kanilang ginawang lungga.

Hanggang isang araw,
nasumpungang tinatangay
ng mga bula ang maliliit na isda.
Isinasadsad sa buhangin,
iginuguhit sa salamin,
pinalulutang sa hangin.
Gutay ang di maigalaw
na mumunting palikpik,
habang ang walang kulay
na katawan ay papihit-pihit.

Kaya't iniahon sa akwaryum
ang dalawang maliit na isda

at isinalin sa isang poswelo
upang doon lumangoy ng malaya.

Patuloy kang Umiibig

Kung nais mo ng umagang
ang silahis ay halina
sa tugon n'yang may pag-asa.

Kung nais mong ang isaboy
ng liwanag ay ang biloy
sa ngiti n'ya maglulunoy.

Kung ang hatid nitong gabi'y
panagimpang humahabi
ng tagpong s'ya ang katabi.

Kung sa dilim na ang pakaw
na sa hamog pumupukaw
ay ang yakap n'ya at galaw.

Kung ang taglay mong hininga
ay mapugto sa pagsinta.

Tuesday, January 6, 2009

Barong-barong na Talinghaga

At pinagtatagni-tagni
ang pingas-pingas na tula
ng bubungang dalamhati.

Pinagkrus ang talinghaga
at tahila'y naitundos
na haliging puro luha.

Ang salitang nauupos
iniladlad na himutok
na dingding ng diwang kapos.

At sa sahig hinuhutok
ang paksaing nalalagas
sa hagdanang anong dupok.

Ngunit h'wag ding mangangahas
pumasok sa pintong butas!

Monday, January 5, 2009

Sa *Tuklong

Nagkakagulo sa baryo,
marami ang nagtataka,
dahil nawala ang santo.

Kagagawan ng demonyo,
ang sabi ng nananata,
nagkakagulo sa baryo.

Pintakasi’y nagtatampo
ang sabi ng nagtitika,
dahil nawala ang santo.

Kaya’t magtayo ng bago,
o lumipat ng kapilya.
Nagkakagulo sa baryo.

Kasunod nito ay bagyo,
o sumpang iba’t iba
dahil nawala ang santo.

Ay! Puno ng amorsiko,
lumabas isang umaga!
Nagkakagulo sa baryo
dahil lumitaw ang santo!

* bisita, kapilya

Saturday, January 3, 2009

Parnaso ng Kalumbayan

Humihimig ang Pugapog,
sa naaagnas na sanga,
ng dung-aw na anong lungkot.

Mga puno'y nahuhukot,
at nagkait na ng bunga,
humihimig ang Pugapog.

Hanging ihip ay pumupog
sa init na bumubuga
ng dung-aw na anong lungkot.

At ang banoy ay napugot,
ilog, batis ay naiga.
Humihimig ang Pugapog.

Ang palad ng dahong tuyot
ay uhaw na sa pag-asa
ng dung-aw na anong lungkot.

Anong bukas yaring handog
Sa bukid na nagbabaga?
Umaawit ang Pugapog
ng dung-aw na anong lungkot!

Friday, January 2, 2009

R e s o l u s y o n

Tahimik na ang mga paputok,

tinangay na ang usok at kalat;

hindi parin makaimik ang nagpuputok

na hinanakit sa mabilis na patak ng metro;

sa patumpik na usad ng hustisya;

sa pagtapak sa maliliit;

sa pagtupok sa pangarap;

sa pagpitik sa mga walang sinasabi;

sa pagputak ng mga may boses;

Nagkalat ang putik sa pulitika.

Nagkalat ang patok na modus.

Nagkalat ang tapik at lagay.

Kailangan ang tubig at paghuhugas

sana'y umulan kahit hindi bagong taon.

Thursday, January 1, 2009

Armagedon

Tumutugis ang sibat
Tumitigis ang dugo.

Nagtatagis ang sumbat
Nagtatagos sa bungo.

Hanggang kaylan ang digmaan?
Hanggang ilan? Hanggang saan?

Tumatangis ang muslak
Tumatangis ang bulaklak.

kapayapaan ang hanap
kapayapaan sa lahat

Gumuhit ng pahimakas
Gumigiit na ang wakas!