Monday, August 24, 2009

P a g i t a n

Saan naroon ang hanggahan ng Walang Hanggan?

Pawang puwang ang mamamasdan
sa lawa ng kalawakan,

Pinupuwing ng kasalanan
ang pagtitig sa di natitinag na panganorin,

Inihahatid ng pag-aalinlangan
ang hatì ng batid at pananalig

At may halang sa kahilingang
ipinupukol sa gitna ng kawalan,

Ang espasyo ng paggagap sa pag-iral
ay pinakakawalan sa ganap na katotohanan;

Ang malayang pakikipag-ulayaw ng langay-langayan
sa walang ngalay na pagsayaw ng hangin

Ang pagbukadkad ng kahapon ay bukó
ng rosas at ngayo’y hinahagkan ng bubuyog

Ang nag-aapoy na mata ng araw na minsa’y
hinihilam ng lumuluhang ulap

Ang paghimlay ng napigtas na dahon
sa naghihintay na tuntungang lupa.

Ngunit kung lagi mang may espasyo
sa paggagap ng pag-iral sa Walang Hanggan,

ito’y upang masukat ang hanggahan ng pananalig!

Saturday, August 22, 2009

L I H I M

Tinatahi ng pagtahak
sa nakakubling halakhak
ang pilas na hinahatak ng takot.

Sinasambot ng loob
ang sumasambulat na sumbat
na hinahabi ng pag-aalala at agam-agam.

At patuloy na humihiwa
ang hiwaga ng hiwa-hiwalay na gunita
sa pusong nag-iiwi ng sanlaksang pangarap.

Habang iginagatong
ang nakatagong himutok
ng lungkot na nagniningas sa buntong-hininga.

At ikaw'y namamalaging sulyap
kung pagmasdan. Namamalaging panaginip
sa balintataw kong mulát at maláy.

Saang silid ng aking puso
kita maipipinid? Na hindi mo mapupuna
na nais kitang ibilanggo sa sarili kong haraya.

Naghihikab ang magdamag
upang hintayin ang aking pagtatapat.
Humahakab na ang umaga sa nananatiling pinid kong bibig.

Bago pa dumungawang pagsisisi't pag-atras
hayaan mong anyayahan ko munang makinig
ang bawat himaymay ng aking diwa

sa isang pagsisiwalat.

P A G - A M I N

Bumabagabagang mga yabag
At hindi hinihintay ang tinig ng pag-uusisa

Pagkat laging narito
at laging nakatitig ang pagmasid

Sa Kanyang likhang
gabok lamang ang mga ugat

Na dumadaloy sa kalamnang
luwad patungo sa burak na puso

Na hinugasan ng tubig at dugo
at binalutan ng baluti ng salita

At laging tinutugis at nakikipagtagis

May pagkagaping pananagumpay
sa pagiging alabok

Naroon ang mga yabag
at may sariling tinig ang pag-uusisa

Ngunit hindi ito pagsuko
kundi pagyukong tinatanto

na alam ng Maylalang
ang kayarian ng Kanyang likha

Hinihintay lamang itong tanggapin
at kilalanin; sa tigis ng mga luha,

sa tinig ng pangangako.