Tuesday, December 20, 2011

Sa May Overpass

Sinadya kong tumawid
sa mataas at mahabang overpass.
sinadyang bagalan ang mga hakbang.
Sinadyang tumawad-tawad sa
mga panindang nakatuwid sa
makitid na tulay.
Inisa-isa ko ang mga nakaplastik
na piniratang DVD. Habang itinataktak
ang biglaang hapunan na kumakatok
pa rin sa boral ng tiyan.
Mabalasik ang mga larawan sa bawat
mukha ng pabalat para sa lamang pelikula.
Nakaumang ang wasiwas ng espada ni Spartacus.
Nanlilisik ang mga mata ng nasa Mortal Combat.
Nakahihindik ang pahiwatig ng mga kamao sa Immortal.
May kislap ang pangil sa Breaking of Dawn:Twilight Saga.
Parang nainip sa akin ang tindera,
"kuha na kuya." Naramdaman marahil,
na di ko naman sadya talagang bumili.
Bigla ang wasiwas ng malakas
at malisik na silbato! Sumambulat
si Spartacus. Isang biglang tili ng Ay! Bigla ring
naglabo-labo ang plastik ni Mortal at Immortal.
Humalo ang bunghalit ng iyak ng isang
batang kalong ng natulalang tindera.
Nabasag ang Breaking of Dawn!
Nakahihindik ang mabilis na pagsugod
ng mga lalaking de baril, simbilis ng pangil.
Noon lang kumislap ang ilaw ng dalawang mobile patrol:
pahiwatig ng raid. Isang malaking trak. Tinangay lahat
ng paninda. Tangay pati mga lamesa.

Umangil-angil pa ang lumayong mobil.

Naiwan ang umuungol na ulilang
pagot na tsinelas.

At ako, na di sinasadyang makasaksi
ng gayong sorpresa mula sa mga katulad kong
hindi para bumili ng DVD pero sinadya
ang mailaw na arcade sa may overpass.

Sunday, December 18, 2011

Paghuli ng Gagamba

Pagsipat sa sapot
ang unang kailangan.
Higit na madaling matunton
kung buo ang bahay.
Pero bihira ito,lalo na't
malaking anlalawa ang hinahanap.
Pero hindi sapat kung may sapot.
Tiyaking may tatag ang pilak na hibla.
Marahan ang pagsapo at pagtangtang.
Pagkatapos matiyak na may tibay,
sundan ang habla ng giya.
May mga sipit ng siit
at may mga supot ng mumunting dahong tuyo
na ipinagkit ng sapot.
Madaling mahalata ang mga labi
at kalansay ng mga biktima.
Kapagka ganito, malapit na
ang busog at natutulog na
karniborong arachnid.
Pitasin na lamang ang dahong
pinagbahayan. O kung gagambalain
upang ilagay sa silid-silid na
inikid na dahong niyog sa posporo,
hipan kaagad, upang mamalaging tulog.
Alalahaning ang gagamba
ay maraming mata, ngunit walang malay
kung nagpapahinga. Madaling magpatihulog
kapag nabulabog.
Kaya't huwag pahuhuli
kung ikaw'y manghuhuli.

Monday, August 24, 2009

P a g i t a n

Saan naroon ang hanggahan ng Walang Hanggan?

Pawang puwang ang mamamasdan
sa lawa ng kalawakan,

Pinupuwing ng kasalanan
ang pagtitig sa di natitinag na panganorin,

Inihahatid ng pag-aalinlangan
ang hatì ng batid at pananalig

At may halang sa kahilingang
ipinupukol sa gitna ng kawalan,

Ang espasyo ng paggagap sa pag-iral
ay pinakakawalan sa ganap na katotohanan;

Ang malayang pakikipag-ulayaw ng langay-langayan
sa walang ngalay na pagsayaw ng hangin

Ang pagbukadkad ng kahapon ay bukó
ng rosas at ngayo’y hinahagkan ng bubuyog

Ang nag-aapoy na mata ng araw na minsa’y
hinihilam ng lumuluhang ulap

Ang paghimlay ng napigtas na dahon
sa naghihintay na tuntungang lupa.

Ngunit kung lagi mang may espasyo
sa paggagap ng pag-iral sa Walang Hanggan,

ito’y upang masukat ang hanggahan ng pananalig!

Saturday, August 22, 2009

L I H I M

Tinatahi ng pagtahak
sa nakakubling halakhak
ang pilas na hinahatak ng takot.

Sinasambot ng loob
ang sumasambulat na sumbat
na hinahabi ng pag-aalala at agam-agam.

At patuloy na humihiwa
ang hiwaga ng hiwa-hiwalay na gunita
sa pusong nag-iiwi ng sanlaksang pangarap.

Habang iginagatong
ang nakatagong himutok
ng lungkot na nagniningas sa buntong-hininga.

At ikaw'y namamalaging sulyap
kung pagmasdan. Namamalaging panaginip
sa balintataw kong mulát at maláy.

Saang silid ng aking puso
kita maipipinid? Na hindi mo mapupuna
na nais kitang ibilanggo sa sarili kong haraya.

Naghihikab ang magdamag
upang hintayin ang aking pagtatapat.
Humahakab na ang umaga sa nananatiling pinid kong bibig.

Bago pa dumungawang pagsisisi't pag-atras
hayaan mong anyayahan ko munang makinig
ang bawat himaymay ng aking diwa

sa isang pagsisiwalat.

P A G - A M I N

Bumabagabagang mga yabag
At hindi hinihintay ang tinig ng pag-uusisa

Pagkat laging narito
at laging nakatitig ang pagmasid

Sa Kanyang likhang
gabok lamang ang mga ugat

Na dumadaloy sa kalamnang
luwad patungo sa burak na puso

Na hinugasan ng tubig at dugo
at binalutan ng baluti ng salita

At laging tinutugis at nakikipagtagis

May pagkagaping pananagumpay
sa pagiging alabok

Naroon ang mga yabag
at may sariling tinig ang pag-uusisa

Ngunit hindi ito pagsuko
kundi pagyukong tinatanto

na alam ng Maylalang
ang kayarian ng Kanyang likha

Hinihintay lamang itong tanggapin
at kilalanin; sa tigis ng mga luha,

sa tinig ng pangangako.

Monday, January 19, 2009

Tumalon ang Imahen

Anim na talampakan

ang taas ng konkretong imahen

na inilalabas sa isang bukas na balkonahe.

Taon-taong inilalabas

sa tuwing sasapit ang kapistahan.

Nakatungo ang imahen.

Tinutunghan ang mga naglalakad

sa ibabang daan na nayuyungyungan

ng konkretong beranda na may labinlimang

talampakan ang taas.

Taon-taon itong ginagawa ng may-ari.

Taon-taon, sa tuwing pista.

Ano't ngayong araw ng kapistahan,

nahulugan nito ang isang batang babae

na dagling namatay?

Sagot ng may-ari: Naghimala ang imahen!

Kahon-kahong Pananaw

Iniluluwal siya

ng isang kahong kariton

bago magluwal ng liwanag ang umaga.

Ikinakahon siya

ng isang bundok na bunton

sa daigdig ng mabahong basura.

At siya'y pilit umaahon.

Araw-araw siyang nagluluwal

ng bunton ng pag-asa

mula sa kaniig na basura.

At hindi siya ginigimbal

ng panis, lansa, dura at dugo,

bangaw at uod.

Ngunit ngayong umaga,

ginimbal siya ng isang munting kahong

naglalaman ng kaluluwal

na sanggol ng isang inang

nagimbal sa kawalan ng pag-asa.