Pagsipat sa sapot
ang unang kailangan.
Higit na madaling matunton
kung buo ang bahay.
Pero bihira ito,lalo na't
malaking anlalawa ang hinahanap.
Pero hindi sapat kung may sapot.
Tiyaking may tatag ang pilak na hibla.
Marahan ang pagsapo at pagtangtang.
Pagkatapos matiyak na may tibay,
sundan ang habla ng giya.
May mga sipit ng siit
at may mga supot ng mumunting dahong tuyo
na ipinagkit ng sapot.
Madaling mahalata ang mga labi
at kalansay ng mga biktima.
Kapagka ganito, malapit na
ang busog at natutulog na
karniborong arachnid.
Pitasin na lamang ang dahong
pinagbahayan. O kung gagambalain
upang ilagay sa silid-silid na
inikid na dahong niyog sa posporo,
hipan kaagad, upang mamalaging tulog.
Alalahaning ang gagamba
ay maraming mata, ngunit walang malay
kung nagpapahinga. Madaling magpatihulog
kapag nabulabog.
Kaya't huwag pahuhuli
kung ikaw'y manghuhuli.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment