Saan naroon ang hanggahan ng Walang Hanggan?
Pawang puwang ang mamamasdan
sa lawa ng kalawakan,
Pinupuwing ng kasalanan
ang pagtitig sa di natitinag na panganorin,
Inihahatid ng pag-aalinlangan
ang hatì ng batid at pananalig
At may halang sa kahilingang
ipinupukol sa gitna ng kawalan,
Ang espasyo ng paggagap sa pag-iral
ay pinakakawalan sa ganap na katotohanan;
Ang malayang pakikipag-ulayaw ng langay-langayan
sa walang ngalay na pagsayaw ng hangin
Ang pagbukadkad ng kahapon ay bukó
ng rosas at ngayo’y hinahagkan ng bubuyog
Ang nag-aapoy na mata ng araw na minsa’y
hinihilam ng lumuluhang ulap
Ang paghimlay ng napigtas na dahon
sa naghihintay na tuntungang lupa.
Ngunit kung lagi mang may espasyo
sa paggagap ng pag-iral sa Walang Hanggan,
ito’y upang masukat ang hanggahan ng pananalig!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment