Saturday, August 22, 2009

L I H I M

Tinatahi ng pagtahak
sa nakakubling halakhak
ang pilas na hinahatak ng takot.

Sinasambot ng loob
ang sumasambulat na sumbat
na hinahabi ng pag-aalala at agam-agam.

At patuloy na humihiwa
ang hiwaga ng hiwa-hiwalay na gunita
sa pusong nag-iiwi ng sanlaksang pangarap.

Habang iginagatong
ang nakatagong himutok
ng lungkot na nagniningas sa buntong-hininga.

At ikaw'y namamalaging sulyap
kung pagmasdan. Namamalaging panaginip
sa balintataw kong mulát at maláy.

Saang silid ng aking puso
kita maipipinid? Na hindi mo mapupuna
na nais kitang ibilanggo sa sarili kong haraya.

Naghihikab ang magdamag
upang hintayin ang aking pagtatapat.
Humahakab na ang umaga sa nananatiling pinid kong bibig.

Bago pa dumungawang pagsisisi't pag-atras
hayaan mong anyayahan ko munang makinig
ang bawat himaymay ng aking diwa

sa isang pagsisiwalat.

No comments:

Post a Comment