Saturday, August 22, 2009

P A G - A M I N

Bumabagabagang mga yabag
At hindi hinihintay ang tinig ng pag-uusisa

Pagkat laging narito
at laging nakatitig ang pagmasid

Sa Kanyang likhang
gabok lamang ang mga ugat

Na dumadaloy sa kalamnang
luwad patungo sa burak na puso

Na hinugasan ng tubig at dugo
at binalutan ng baluti ng salita

At laging tinutugis at nakikipagtagis

May pagkagaping pananagumpay
sa pagiging alabok

Naroon ang mga yabag
at may sariling tinig ang pag-uusisa

Ngunit hindi ito pagsuko
kundi pagyukong tinatanto

na alam ng Maylalang
ang kayarian ng Kanyang likha

Hinihintay lamang itong tanggapin
at kilalanin; sa tigis ng mga luha,

sa tinig ng pangangako.

No comments:

Post a Comment